PAUTANG DAW PO SABI NI NANAY
Marami sa mga Pilipino ang nakaranas nito, ang mangutang. Bata palang tayo ay hinubog na ang ating lakas ng loob kung paano sasabihin ang salitang "Pautang daw po, babayaran daw po sa katapusan". Katapusan na hindi alam kung kailan.
Nakakahiya ang mangutang sa tindahan lalo na sa ikalabing-dalawampung ulit na hindi pa nababayaran ang mga utang noong mga nakaraang araw. "Oo, tandang tanda pa dahil tayo din ang pangunahing mandirigma na sumusugod ng digmaan ng pangungutang.
Pero, kapag may dala kang sardinas at isang kilong bigas. Iba ang ngiti ng iyong ina na tila nagliliwanag na bituin. Parang, ikaw ang naging pag-asa ng pamilya. Kulang nalang ay igawad sa iyo ang "Karangalan ng Katapangan at Katapatan sa Pamilya".
Kaya siguro sobrang tibay ng loob ng maraming mga Pilipino sapagkat talagang hasang hasa ang pakikipag-transakyon kung paano mag-DONE DEAL.
Pinagtibay nito ang katatagan ng puso at isipan.
Nakakaiyak sa inis at pagtitimpi ang dinaranas ng karaniwang batang musmos na mangugutang sa isang tindahan.
Sa kabilang banda, ang hirap naman talaga mangutang dahil sa hindi naman talaga sapat ang inuuwi ng isang karaniwang ama ng tahanan para sa pang-araw araw.
Sobrang daming bayarin; kuryente, tubig, gastusin sa eskwelahan, proyekto, renta at ambagan sa mga kailangan.
Bata palang ang maraming Pilipino ay talagang pinilit maging hinog sa reyalidad ng mundo.
Isa sa pinakamahirap sa mangutang ay ang marinig mo ang lahat ng masasakit na salita na sinasabi ng tindera habang hinahanda ang sardinas at isang kilong bigas. Pero hindi naman lahat, marami paring mga may-ari ng tindahan na mabuti ang puso.
Nakakapanliit, at nakakapanghina. Pero darating ka din sa punto na. Salamat at kahit papaano ay makakatawid nanaman ang araw at hanggang bukas.
Laging panalangin ng isang batang Pilipino ay sana ay mai-uwi ang ama ng tahanan ang perang pambayad at perang pambili. Sana hindi na ulit uutang ang isang bata sa tindahan.
Hindi naman masama ang mangutang kung babayaran. Dahil ang katotohanan, hindi rin biro ang magnegosyo. Siguradong dugo at pawis din ang kanilang ginugol para mapanatili ang negosyo. Kaya kung may inutang dapat bayaran.
Sa totoong buhay, kung sino ang nangutang ang siyang dapat magbayad.
Ang batang musmos ay may pangarap na darating din ang araw na makakabayad din sa lahat ng mga tao na nagbukas ng pinto ng oportunidad at pag-asa.
Makakabayad din sa mga taong nagbigay ng walang kapalit. Nagbigay ng higit at minsan nagbahagi kahit gipit.
Sana sa mga taong mabuti ang kalooban na nagbahagi at nagbigay na mababayaran sa panahon na hindi alam kung kailan ay pagpalain ng Ama na nasa langit.
Ang karaniwang batang Pilipino ang pangarap ay mabayaran ang lahat na pinagkautangan ng ina. Utang sa mga oras na mapuno ang lahat ng nawala at hindi naranasan.
Mabayaran ang hirap, pagod at pasakit ng mga magulang at mga taong nagsakripisyo para sa ipagpapatuloy ng buhay.
Comments