MAS MAHIRAP PA ANG BIYAHE KAYSA SA TRABAHO



    I-consider sa paghahanap ng trabaho hangga't maaari ay malapit lang sa iyong inuuwian. Maaaring isang sakay lamang ng Jeep o sa loob lamang ng City o Probinsya kung saan ka nakatira. 


         Ang purpose nito ay para mas mabilis kang makaka-uwi sa bahay niyo. Alam naman nating lahat na habang tumatagal ay lalong lumalala ang traffic sa Pilipinas na ang 30 minutes na biyahe ay halos (2) dalawang oras ang tinatagal o kadalasan ay mas higit pa. 

         Naranasan ko noon ang mag-work sa Quezon City. Maganda ang trabaho, libre ang lunch, at maraming ring benefits. Ang problema ko lamang ay kapag papasok na sa umaga ay kailangan kong gumising ng 5:00 AM para makahabol sa 8:00 AM na time-in. Ang mahirap kasi ay kailangan na makipag-unahan sa ibang mananakay ng jeep patungo sa aking pinapasukang trabaho. Masaya sa una pero habang tumatagal ay sobrang nakakapagod ang biyahe kaysa sa trabaho. 
        


        Ang susunod na challenge ay ang pag-uwi. Kung mahirap pumasok ay siguradong mas mahirap ang uwian. Mapapamura ka talaga dahil haharapin mo na ang katotohanan ng hamong ng buhay. Sa pag-uwi, MRT ang sinasakyan ko mula Santolan Station (Quezon City) hanggang sa Guadalupe Station (Makati City). Pagbaba sa Guadalupe Station ay haharapin mo naman ang sobrang haba ng pila sa terminal ng Jeep papuntang Taguig. Lahat na ata ng street food makakakain mo na. Gutom at pagod talaga ang haharapin mo. 

    Akala ko easy lang talaga mag-MRT yun pala ay kailangan mong maging malakas, matibay at matalino kung paano ka makakasakay. Kung hindi ka makikipag-unahan at makikipag-balyahan ay siguradong gabing gabi ka na makaka-uwi. 

    Nakaka-iyak at nakaka-dismaya dahil mapapatanong ka talaga na kung bakit hindi ito masolusyunan ng Gobyerno. Maiiisip mo nalang talaga na ganito na lang ba talaga ang sasapitin ng mga ordinaryong mamamayan. Imbes na makatipid ka ay mapapagastos ka pa talaga dahil sa sobrang tagal bago makasakay. Maririnig mo nalang na tinatawag ka na ng siomai house, burger, fruit juice, gulaman, hotdog sandwich at iba pa. Iniisip ko kung magkasabwat ba ang Gobyerno at mga Negosyante na gusto nila mas mahihirapan ang mga Pilipino para mas maraming magutom at mauhaw. Nice marketing, hindi magandang serbisyo. 

    Sa oras na 5:00 PM mo sa work, makaka-uwi ka sa bahay ng round 9:00 PM to 12 Midnight. Minsan umaabot pa talaga ng madaling araw lalo na kapag tag-ulan at payday tapos friday pa. Kinakain talaga ang oras ng working class sa kalsada. 
       

    Imagine, tulog na ang mga kasama mo sa bahay pero ikaw ay pauwi pa lamang galing sa work. Iniisip mo kung may ulam pa ba na natira. Bibili ka na ba ng pagkain o hihintayin mong makauwi na umaasang may ulam at kanin pa. Hindi na kasi talaga kakayanin kung magluluto pa. 

    Kaya, kung kaya naman na makahanap ng trabaho na mas malapit sa tinutuluyan ay mas mabuti. Pero kung wala at nasa malayo talaga, go lang. Kailangan lang magtiis at magbaon ng maraming pasensya. 

    Ang importante ay balance lang ang lahat ng bagay. Isaalang alang din ang oras para sa pamilya. Ginagawa natin ang lahat ng ito ay para sa pamilya o mahal natin sa buhay. Hindi tayo sumusuko dahil marami pa tayong pangarap hindi lamang para sa sarili kundi para din sa pamilya. 

    Oras talaga ang mahalaga. Gamitin natin ito sa mas importanteng tao sa buhay natin. 

        










Comments